Scroll to Top

Raymart Santiago, sanay na sa malamig na Pasko; balik-pelikula ngayong MMFF

By Allan Diones / Published on Saturday, 23 Dec 2017 04:40 AM / No Comments / 1209 views

BALIK-PELIKULA si Raymart Santiago after niyang hindi gumawa ng movies nang matagal na panahon.

“Siyempre, sino bang makakahindi kay Mother Lily (Monteverde)?!” ang natatawang sagot sa amin ni Raymart nang usisain namin kung paano siya nakumbinsi ng Regal Films na maging part ng cast ng horror flick na Haunted Forest.

“At saka kaya ko tinanggap din, kasi first time kong gumawa ng horror. Para maiba,” dugtong niya.

Nakakatawa raw ang experience niya dahil hindi siya marunong matakot doon sa mga eksenang dapat ay natatakot siya.

“Sabi ko kay Direk (Ian Loreños), “‘Pag natatakot kasi ako, ginugulpi ko agad eh! So, walang reaksyon na takot ako,” natatawang sey ng guwapo at macho pa ring aktor, na kilala noon sa paggawa ng action movies.

Aminado si Raymart na medyo doon siya nangangapa, kapag kailangan niyang umarte na natatakot dahil natatawa nga siya. First time niyang gawin ‘yon, so nag-enjoy naman daw niya.

Hindi na matandaan ng 44-anyos na aktor ang last movie niya. I-Google na lang daw namin.

Wala siyang oras magpelikula dahil puro teleserye ang ginagawa niya. Ayaw niya na raw kasi nu’ng araw-araw na trabaho, ang gusto niya ay may pahinga.

Raymart Santiago in the MMFF 2017 entry 'Haunted Forest'
Raymart Santiago in his first horror movie

Nakaka-relate sa millennials

Kabilang ang Haunted Forest sa walong official entries sa Metro Manila Film Festival 2017.

Sa pagkakatanda ni Raymart ay nakapag-filmfest parade na siya dati, pero bilang bad daw ang kanyang memory ay hindi niya maalala kung kailan siya huling naging kasali sa MMFF.

Kaya parang first timer ulit sa nasabing filmfest ang feeling niya. Nagawa niya ang pelikula ng Regal dahil week 5 pa bago siya pumasok sa Kapuso primetime series na My Korean Jagiya.

Bale isang isang linggo lang daw ‘yung nilagare niya ang shooting at taping, kaya hindi siya gaanong nahirapan at nangarag.

Second movie pa lang ito ni Raymart sa Regal after ng Aishite Imasu (2004) kung saan nakasama niya sina Judy Ann Santos, Dennis Trillo at Jay Manalo.

Panay millennials ang bida ng Haunted Forest na sina Jane Oineza, Jameson Blake, Maris Racal at Jon Lucas.

Pulis ang role ni Raymart dito, na tatay ni Jane na nabiktima sa probinsiya ng aswang na Sitsit.

Si Jane ang madalas na kaeksena ni Raymart at ang sabi niya ay magaling ito at professional. Okey daw ang mga batang artista ngayon at hirit niya sa amin, “Nakaka-relate naman ako sa mga millennial, eh!” sabay tawa.

Raymart still looking good and fit as ever/ ©allandiones.com
The millennial stars of 'Haunted Forest': Jameson Blake, Jane Oineza, Maris Racal & Jon Lucas

Ayaw nang maghanap

Maayos na ang relasyon ni Raymart sa ex-wife niyang si Claudine Barretto kumpara before na hindi sila magkasundo.

Ang sabi sa amin ng matipuno at matikas pa ring aktor, hindi pa nila napapag-usapan ni Claudine ang schedule ng mga anak nila this Christmas. Pero last year ay nakasama niya sina Sabina at Santino sa araw ng Pasko.

“Puwede ko naman silang bisitahin anytime. Okey naman kami (ni Claudine). Oo, naging friends na rin. Pero siyempre, ‘yung usap lang na tungkol sa mga bata. ‘Pag hindi na tungkol sa mga bata, ayoko na rin pag-usapan. Basta sa mga bata, ‘yun lang.”

So, wala na silang pakialaman sa lovelife ng isa’t isa?

“Wala, wala.”

Nakikipag-date ba siya?

“Labas-labas lang. Hindi pa ako annulled, eh.”

Pero puwedeng makipag-date?

“Ha! Ha! Ha!” tawa lang ang reaksyon niya sa amin.

So, malamig ang Pasko niya?

“‘Pag Christmas naman, malamig talaga, eh. Sanay na ako. Sanay na ako,” kaswal niyang sagot sa amin.

Kailan siya maghahanap ng iba, ‘pag annulled na sila ni Claudine?

“Ayoko nang maghanap. Ayoko na ring magpakasal.”

Wala pa palang nag-file sa kanila ni Claudine ng annulment case. Eventually raw siguro, sabi sa amin ni Raymart. Basta ‘yung mga ikinaso sa kanya noon ni Claudine ay pawang nabasura na ng korte.

Sa Lunes na, December 25, ang showing nationwide ng Haunted Forest na nag-iisang horror entry sa MMFF 2017 kaya hinuhulaan itong hahataw sa takilya.

Raymart with his kids, Santino & Sabina/ @raymartsantiago IG
Raymart with his son Rodrigo Santino/ @raymartsantiago IG

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *