BHUTAN, isang biyaheng hindi ko makakalimutan…
Exclusive photos & kuwento by Glaiza de Castro
HONESTLY, wala talaga akong kaide-ideya sa Bhutan.
Akala ko pa nga, part siya ng Nepal.
Na-excite lang ako sa isang bagong bansa na hindi ko madalas marinig sa mga tao sa paligid ko.
So, ayun na nga. Pagdating namin du’n, sinalubong kami ng napakasarap at napakasariwang hangin.
At kadalasan, ‘yung mga airport, napaka-busy, ‘di ba? Sa Bhutan, napakapayapa. Hindi ako sanay.
Ang ganda rin ng structure at artwork ng airport nila. Napaka-traditional.
‘Yung mga sasalubong din sa ‘yo, naka-national costume dahil required ang mga tour guide na magsuot nito.
Oo nga pala, kailangan din na may tour guide ang bawat turista dahil ‘yun ang ini-implement ng bansa nila.
Nililimitahan kasi nila ang pagpasok ng mga turista para hindi ma-exploit ang lugar nila.
Ni ayaw nga nilang magtayo ng malls at magpagawa ng trains.
Kumbaga, sapat na sa kanila kung anong meron sila at kung ano ang nakasanayan nilang gamitin.
Mapapaisip ka tuloy. Mas mainam na rin talaga piliing mabuti kung ano ang talagang kailangan.
‘Yung sapat lang. ‘Yung talagang mapapakinabangan.
Masasabi kong malago ang bansa na ito sa ibang paraan. Kung paano nila pinahahalagahan ang likas nilang yaman.
Tipong ayos lang na hindi mataas ang Gross National Product nila. Kasi, mas mahalaga sa kanilang i-promote ang Gross National Happiness, na ayon sa fourth King nilang si Jigme Singye Wan ay ang “sustainable and equitable socio-economic development; environmental conservation; preservation and promotion of culture; and good governance.”
TATLONG TAON KUNG MAGDASAL. Kaya ito ang naging experience namin sa Bhutan:
Unang araw ay nasa Paro kami, nilibot ang lugar at nag-relax dahil medyo napagod kami sa flight from Manila – Hong Kong – Nepal – Bhutan.
Kaya nag-decide kami na ipagpabukas ang pasyal.
Una naming napuntahan ang National Memorial Chorten, kung saan puno ng paintings at statues tungkol sa Buddhist philosophy.
May mga locals din na nasa labas at nagdadasal.
Pagkatapos, pinuntahan namin ang Trashi Chhoe Dzong, isang napaka-impressive na fortress/monastery kung saan nandu’n ang secretariat building, throne room of His Majesty, the King and various government offices. Marami ring monks na naka-stay dito.
Tapos nu’n, isa sa pinakamalaking statues ang nakita namin sa Buddha Point. Sakto pa na may event, kaya hindi kami nakapasok sa loob, pero may monks na nagdarasal sa labas.
Again, testament ito ng kanilang faith kay Buddha. ‘Yung iba, lalo na ‘yung mga matatandang monks, tatlong taon nagdadasal.
Kinabukasan, nagpunta naman kami sa National Library at dumiretso sa Institute for Zorig Chusum: commonly known as Arts & Crafts School or Painting School.
Parang field trip lang kami at nagmasid sa mga estudyante kung paano nila ginagawa ang mga paintings at statues na nakita namin the other day.
Ang huhusay. At dito, old school talaga, walang kahit anong modern technology kaya mano-a-mano talaga nilang ginagawa lahat.
First time ko rin makakita ng Takin sa Takin Sanctuary.
Ang Takin ay ang national animal ng Bhutan. Halo ng baka at kambing ang itsura nito.
TIGER’S NEST. Pagkatapos ng Thimpu (capital ng Bhutan), nag-drive kami ulit papuntang Paro.
Ito na ‘yung masasabi kong highlight ng trip namin dahil nag-trek kami papuntang Tiger’s Nest.
Halos pitong oras din ‘yun kasama na ang pag-akyat, pagkape dahil may cafe sa gitna ng bundok, pagbaba at lunch sa cafe ulit.
At bilang naiwan ang trekking shoes ko sa Nepal (ang totoo niyan, naiwan ito sa layover namin sa Hong Kong at hindi nakarating ng Nepal. At since aalis na kami kinabukasan papuntang Bhutan, hindi na ito nakaabot), nahirapan ako sa pagbaba ng bundok.
Umulan kasi. Hindi ambon, ulan talaga. Sinubok talaga kami.
Pero ganu’n pa man, sobrang laking achievement sa amin ‘yun lalo pa’t first time namin mag-trek.
At sa Tiger’s Nest pa talaga!
3,120 meters din ‘yun. Hindi talaga biro.
Pero ‘yun ang masasabi kong hindi ko malilimutang experience.
SPIRITUAL JOURNEY. Pagkatapos ng trek, napatulala na lang talaga kami at nasabing, “Kinaya natin ‘yan? Ang layo pala ng narating natin!”
Well, malayo talaga. Unang-una, nasa Bhutan kami.
Pero kidding aside, spiritual journey ito para sa amin.
Mas lalo kaming nag-gain ng strength para harapin ang anumang challenges sa life.
Ganu’n naman talaga, kailangan nating dumaan sa hirap para mas ma-appreciate at ma-value natin ang ginhawa.
Saan naman kaya ako ulit dadalhin ng mga paa ko sa susunod?
Anong challenges ang bagong kakaharapin?
Anong lessons ang dapat kong tandaan?
Panahon lamang ang nakakaalam.