Scroll to Top

JoWaPao ang papalit sa trono ng Tito, Vic & Joey: “Marami pa kaming kakaining bigas!”

By Allan Diones / Published on Thursday, 16 Nov 2017 22:00 PM / No Comments / 1026 views
Paolo Ballesteros, Wally Bayola & Jose Manalo/ ©allandiones.com

JOWAPAO trio nina Jose Manalo, Wally Bayola at Paolo Ballesteros ang sinasabing papalit sa legendary trio nina Tito Sotto, Vic Sotto & Joey de Leon, better known as Tito, Vic & Joey o TVJ.

Si Joey de Leon ang very vocal sa mga papuri nito sa JoWaPao. Para sa tinaguriang Showbiz Guru at Henyo Master, bilib na bilib siya sa tatlo at wala raw siyang nakikitang ibang puwedeng pumalit sa Tito, Vic & Joey kundi ang mga ito.

Nang hingin namin ang reaksyon ng tatlong bida ng comedy zombie movie na Trip Ubusan: The Lolas vs. Zombies tungkol dito ay pare-parehong nahiya ang JoWaPao.

Dayalog ni Jose, “Hindi pa. Hindi ko alam kung kaya namin, kung may iiwan man sila sa amin. Hindi ko masabi. Hindi pa namin siguro kaya.

“‘Yung sa amin ngayon, malayung-malayo pa du’n sa alam namin na ginagawa nila.

“Kasi, parang hindi pa namin kayang tumayo na wala silang tatlo, eh.

“Mas lumalakas lang ang loob namin lalo na ‘pag nakita naming tumatawa sila. Mas nadadagdagan ‘yung ginagawa namin.

“Paano kung wala sila du’n sa harap namin? Baka hindi namin kaya pa. Mahirap pa eh, para hawakan mo yung isang gano’n.”

Maging sa Eat Bulaga kasi ay aminado si Tito Joey na paupo-upo na lang ang TVJ sa studio, habang ang JoWaPao ay sumusugod sa kung saan-saang barangay sa ‘Juan For All, All For Juan’ segment ng show.

“Ewan ko, ha? Siguro, ‘pag wala na ang Tito, Vic & Joey, wala na rin ang Eat Bulaga. Huwag naman sana, pero…

“Hindi pa namin nakikita o ni sumasagi sa isip namin ‘yung ganu’ng factor na kami ang magpapatuloy ng show.

“Lalo na ako, nanggaling ako sa production. Ang utak ko pa rin, nasa production, eh. Hindi pa totally eto na, eto ka, na kaya mong gawin ‘yon. Hindi pa siguro. Mahirap,” pakli ni Jose nang makausap namin sa presscon ng Trip Ubusan nu’ng Miyerkules nang gabi sa Matrix Creation Events Venue sa QC.

Anong feeling nila kapag sinasabi ni Tito Joey na ang JoWaPao ang papalit o susunod sa TVJ?

“Nakakatuwa ‘yon. Sobrang nakakatuwa. Ang Tito, Vic & Joey naman kasi, makikita mo, hindi sila maramot kasi, eh.

“So, kung may nakikita sila na, ‘Eto, ipapamana namin sa inyo,’ siguro, iingatan namin ‘yon.

“Pero hindi pa namin kayang hawakan ‘yung ipapamana nila sa amin… sa ngayon. Hindi pa namin kaya,” seryosong sey ni Jose a.k.a. Lola Tinidora.

Ang Tatlong LODI ng Komedi at Noontime TV: Tito, Vic & Joey/ EatBulaga FB

Pati Chinese Zodiac magkakatugma

Si Wally ay bigla ring nahiya, na sinasabing ang JoWaPao ang magiging tagapagmana ng mga trono ng Three Kings of Comedy (and Noontime TV) na sina Tito, Vic & Joey.

“Ay, hindi po. Kumbaga, institusyon na ‘yung tatlo, eh. Siguro, marami pa kaming kakaining bigas.

“At saka iba talaga eh. Tito Vic & Joey ‘yan, eh. Hanggang ngayon, ako, nai-starstruck pa rin ako sa kanilang tatlo. Alam mo ‘yon?

“Hindi ko masasabi na kami ang papalit sa kanila. Iba sila, iba sila!”

Pero ‘yun na nga, si JDL mismo ang nagsasabi na kung meron mang papalit sa TVJ, ang JoWaPao ‘yon.

“Eh, nao-overwhelm kami sa mga ganu’ng comments sa amin. Pero kung ia-accept namin agad-agad, hindi naman siguro.

“Kasi kami, alam namin kung ano ‘yung pagrespeto namin sa kanila, unang-una. ‘Yung paghanga.

“Kumbaga, pagdating ng panahon siguro na sabihin nilang kami ang magiging kapalit nila, siguro Tito, Vic & Joey will stay na institusyon na.

“Kami, kung ano lang siguro kami na magagawa namin,” puno ng pagpapakumbabang pakli ni Wally.

Si Joey rin ang nagsabi na maging sa animal signs ng Chinese Zodiac ay may ka-match ang TVJ sa JoWaPao.

Magkapareho ng animal signs ang birth years nina Tito Sen at Wally, magkapareho rin sina Bossing Vic at Jose, tapos ay magkatugma rin ang kina Joey at Paolo.

Natawa si Wally a.k.a. Lola Nidora nang kantiyawan naming baka maging Senador din siya in the future tulad ni Tito Sen.

Hindi raw. Baka si Jose raw ang mas may future sa pulitika at hindi siya. Mas gusto niya raw ‘yung parang si Joey, na gusto lang mag-travel nang mag-travel.

Tres Lolas with child actress Caprice Cayetano a.ka. Charmaine/ @capcaprice IG

May asim pa sila

Na-shy din si Paolo nang banggitin namin na sila ang sinasabing papalit sa puwesto ng TVJ.

“Ano ba ‘yon? Nakakahiya naman. Eh kasi, ‘pag sinabi mong papalit, parang successor, gano’n.

“Siyempre, gusto namin ‘yon. Pero hindi naman papalit. Kasi, nag-iisa lang ‘yung tatlo na ‘yon. Wala namang ibang TVJ.

“Siguro, kung sige, successor, okey. Nakakatuwa. Siyempre, wow! Laveett!! Ha! Ha! Ha!” tawa ni Pao.

So, kung magre-retire ang TVJ, sila na ‘yung hahalili sa puwesto ng tatlo?

“Wala. Dyusko, kayang-kaya pa nu’ng mga ‘yun, ‘no! Hanggang ngayon, may asim pa sila.

“At saka marami pa kaming kakaining bigas!”

Magkatugma ang animal signs nina Paolo at Joey sa Chinese Zodiac.

Sa tatlo ay kay JDL din talaga nakikita ni Pao ang sarili niya.

“Kasi, ‘di ba, si Tito Joey, siya rin ang nagbabakla-baklaan talaga? Ayun nga, Barbi!” sundot ni Paolo a.k.a. Lola Tidora, na ang tinutukoy ay ang famous gay movie character ni Joey na si Barbi, na bibigyang buhay ni Paolo sa pelikulang Barbi D’Wonder Beki kung saan magkasama rin sila ni Joey.

First movie ng Tres Lolas ang action-comedy-thriller zombie movie na Trip Ubusan: The Lolas vs. Zombies.

Kasama nila rito sina Angelika dela Cruz, Arthur Solinap, Ryzza Mae Dizon, Kenneth Medrano, Taki Saito, Miggy Tolentino, Shaira Mae dela Cruz, Lovely Abella, Jayvhot Galang, Archie Adamos at Caprice Cayetano (bilang si Charmaine, na apo ng Tres Lolas at anak nina Alden Richards & Maine Mendoza sa Kalyeserye ng EB).

Sa November 22 ang showing nationwide ng Trip Ubusan, mula sa APT Entertainment & M-Zet Productions, sa direksyon ni Mark Reyes.

The cast of 'Trip Ubusan: The Lolas vs. Zombies'/ @ryzzamaedizon_ IG
'Trip Ubusan: The Lolas vs. Zombies' opens November 22 in cinemas nationwide

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *