Scroll to Top

Ryza Cenon sa love scenes nila ni JC Santos: “Makikita n’yo po lahat ng bilbil namin dito! Ha! Ha! Ha!”

By Allan Diones / Published on Tuesday, 23 Jan 2018 10:59 AM / No Comments / 1349 views

MAY PA-YUMMY scenes sina Ryza Cenon at JC Santos sa pelikulang Mr. & Mrs. Cruz.

Bilang sa beach sa Palawan ang location ng movie, most of the time ay naka-beach outfit ang dalawa o kaya ay swimwear na exposed ang kanilang mga katawan. May eksena pang nag-sexy dancing sila sa beach na may pagiling-giling.

Sey ni JC na maraming hubad scenes sa pelikula, hindi siya nagpaganda ng katawan kundi nangayayat na lang siya roon sa Palawan habang nagsu-shooting sila ng Mr. & Mrs. Cruz.

Segunda ni Ryza, hindi nila napaghandaan ‘yon. Pumayat na lang sila sa Palawan dahil sa init. At si JC raw kasi ay laging nagsu-swimming.

“Pumayat po kami, nasunog, napagod, ang dami pong nangyari sa pelikulang ‘to. At saka po hindi kami ni-require ni direk na magpa-sexy o magpa-abs. Sabi niya, ‘Gusto ko, normal kayong tao na nakaka-relate ‘yung mga tao,’” sabi ng 29-anyos na dating indie at theater actor na si JC, na ngayon ay bida na sa mainstream movie na produced ng Viva Films at The Idea First Company.

Dugtong ni Ryza, mas gusto ng direktor nilang si Sigrid Andrea Bernardo (blockbuster director ng Kita Kita) na ganu’n ‘yung mga katawan nila, na hindi kailangang may abs.

Ryza Cenon plays Gela in her first mainstream movie, 'Mr. & Mrs. Cruz'
JC Santos plays Raffy, who goes to Palawan and meets Gela, in Viva Films' first movie for 2018, 'Mr. & Mrs. Cruz'
JC & Ryza team up for the first time in 'Mr. & Mrs. Cruz'

Malakas ang sexual tension

In fairness ay kita sa screen ang chemistry at sexual tension sa pagitan nina Ryza at JC kahit first time nilang nagkatrabaho at magkaiba pa ang mga network nila—Kapuso si Ryza at Kapamilya si JC.

Tsika ni JC, “Tiniyaga po namin maging gano’n, nagkuwentuhan po kami…”

Dagdag ni Ryza, “Yes, at saka kami naman po, once nasa set na, hindi na kami si Ryza at si JC. Kami na po si Gela at si Raffy, nakakarakter na po kami no’n.”

Sa istorya ng Mr. & Mrs. Cruz ay si Ryza si Angela ‘Gela’ Cruz at si JC ay si Rafael ‘Raffy’ Cruz, na parehong nagpunta sa Palawan para magbakasyon at makapag-isip. Matatagpuan nila ang isa’t isa sa paraisong ‘yon kung saan magsisimula ang kanilang pag-ibig, pero masusubukan din ang kanilang paniniwala tungkol sa pag-ibig, commitment at marriage.

Kamusta naman ang love scenes nila? Hindi ba sila nagkailangan?

“Okey naman po, okey naman. Hindi naman kami nagkailangan doon. As Gela naman ‘yon, eh. Wala akong kasalanan. Si Gela sisisihin ko. As Gela po ‘yon, hindi po si Ryza ‘yon,” natatawang bulalas ng 30-anyos na Kapuso actress.

Ani JC, “Professional naman. At saka ang ganda ng motivation ni direk para madaanan namin siya. And yeah, happy naman si direk nu’ng matapos, eh.”

Satisfied nga ba si Direk Sigrid sa love scenes?

“Oo naman,” sagot ng mahusay na female director.

Sundot ni Ryza, “Makikita n’yo po lahat ng bilbil namin dito! Ha! Ha! Ha!”

Napapangiting reaksyon ni Direk Sig, “Hindi, hindi talaga ako um-order ng abs sa kanila. Talagang sabi ko, kung ano ‘yung normal. Kasi, gusto kong makita ‘yung sarili ko na puwede akong mag-two-piece, gano’n.

“Para mas relatable and ano lang ‘yung suot nila. Pero ‘yung sa love scene, yeah, sobra akong satisfied sa love scene nila.”

JC & Ryza as Raffy & Gela in 'Mr. & Mrs. Cruz'/ @iamryzacenon IG

Posibleng magkainlaban

Sa totoong buhay kaya ay posibleng magustuhan nina Ryza at JC ang isa’t isa?

“Opo, opo,” sagot ni JC.

“Oo naman. Ha! Ha! Ha! Kasi, contrast kami in real life, eh. Sobrang ako, tahimik; siya, madaldal. Marami kaming contrast, eh,” pakli ni Ryza.

Pagsang-ayon ni JC, “Oo. Kung parang pareho kayong personality, magka-clash kayo. Eto, ‘yung isa tahimik, ‘yung isa madaldal. Nagko-complement ba. Parang gano’n.”

In real life ay may boyfriend si Ryza, si Cholo Barretto. Sey ni Ryza, hindi seloso si Cholo as in wala itong selos factor. Sobrang supportive ito sa lahat ng ginagawa niya at pino-promote din nito ang pelikula.

Ang sabi ni JC, theater actress din ang kanyang nobya (na si Joan Kristin ‘Teetin’ Villanueva), so hindi ito selosa at nasanay na rin sa mga nakakapareha niya.

Pagkatapos ng presscon ng Mr. & Mrs. Cruz ay saka pumutok ang balita na break na sina JC at Teetin after 4 years of being together.

Diumano ay may third party sa side ni JC, pero itinanggi ‘yon ng binata. Ang career niya raw ang naging third party sa relasyon nila ng ex-girlfriend niya.

Ryza & JC in Palawan, where they shot the entire movie/ @j.c.santos IG
Direk Sigrid Andrea Bernardo, blockbuster director of 'Kita Kita' comes up with a new film about love, commitment and marriage in 'Mr. & Mrs. Cruz'

Ramdam ang pressure

Happy si Ryza na unti-unti nang natutupad ang pangarap niya na makagawa ng mga pelikula.

Itong Mr. & Mrs. Cruz ang first mainstream movie niya after ng indie film niyang Ang Manananggal sa Unit 23B last year.

Okey naman daw ang proseso ng paglipat niya sa Viva mula sa GMA at inaalagaan naman siya ng bago niyang management.

Aminado si Ryza na medyo nahirapan siya dahil sabay niyang ginampanan si Gela sa pelikula at si Georgia na kontrabida role niya sa Kapuso afternoon soap na Ika-6 Na Utos.

Malayo raw pareho sa personality niya ang dalawa dahil si Gela ay sobrang daldal habang si Georgia ay laging galit. Kaya nahirapan siyang mag-adjust at minsan, ‘pag umuuwi siya ay hindi na raw niya kilala kung sino siya.

Inaamin niya ring may pressure sa kanila ni JC ang pelikula dahil kahit saan, kahit pa hindi naging blockbuster ang Kita Kita ni Direk Sigrid na direktor nila, may pressure pa rin sa kanila dahil hindi nila alam kung anong mangyayari sa movie, kung magugustuhan ba ito ng mga tao o hindi.

So, may kaba siyang nararamdaman, pero excited si Ryza na mai-share sa mga manonood ang pinaghirapan nila sa pelikula.

Si JC ay ramdam din ang pressure na ‘yon, pero ang sabi niya, wala nang mas sasarap pa sa panoorin ng mga tao ang pelikulang ginawa mo. Sana raw ay umabot sa nangyari sa Kita Kita ang kitain sa takilya ng pelikula nila.

“Ang suwerte-suwerte ko po at nandito ako sa pelikulang ‘to. It’s my second mainstream movie at sana, panoorin nga ng maraming tao,” sambit ni JC.

Bukas na, January 24, ang showing sa mga sinehan nationwide ng Mr. & Mrs. Cruz na unang handog ng Viva Films sa taong 2018.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *