Scroll to Top

Paolo Ballesteros sa ipinamanang iconic Barbi role ni Joey de Leon: “Pressure, kasi hindi ako makahinga. Ipit ‘yung bayag ko!”

By Allan Diones / Published on Tuesday, 28 Nov 2017 16:20 PM / No Comments / 6271 views

SEMI-RETIRED na sa showbiz si Joey de Leon, pero kapag may mga dabarkads siyang gumagawa ng pelikula, anytime ay handa siyang mag-guest o sumali sa cast kahit ayaw na niyang mag-shooting dahil medyo pagod na siya.

Hindi nagdalawang-isip si Tito Joey na maging parte ng pelikula ni Paolo Ballesteros, na pinamanahan niya ng kanyang iconic movie role na Barbi.

Rason ng Henyo Master, bukod sa mas maganda si Paolo kesa sa kanya at magaling ito, hindi na iba sa kanya si Pao kaya hindi niya nahindian ang lumabas sa Barbi D’ Wonder Beki.

“Dabarkads, eh. At saka itong direktor (Direk Tony Y. Reyes), parang mga utol ko ‘yan, eh.

“At saka maganda, eh. Mas natuwa ako na maging bahagi ng movie dahil siyempre, naaalala nila ‘yung tatlong Barbi na nagawa ko dati,” bulalas ni Tito Joey.

Taong 1989 nang unang gawin ni JDL ang Barbi: Maid in the Philippines. Sumunod dito ang Barbi 2: For President (1991) tapos ay Run, Barbi, Run (1995) ang panghuli.

1982 ipinanganak si Paolo, kaya hirit ni Tito Joey, ‘fetusa’ pa ito nang ipalabas ang unang Barbi movie.

Successful ang nasabing movie series o trilogy ni Tito Joey, kaya tila pressure kay Paolo na huwag sirain ang magandang record na ‘yon ng Barbi film franchise.

Sey ni Tito Joey, magagaling ngayon ang mga komedyante at magaganda. Pero si Paolo na raw ang pinakamaganda sa mga aktor na nagbababae.

Ang orihinal na karakter ni Tito Joey na si Bartolome ‘Barbi’ del Rosario ay lalaki talaga, nagpanggap lang ito na yaya nang mapagbintangan sa krimen na hindi nito ginawa.

Ngayon sa bagong Barbi movie, si Bartolome ang may-ari ng salon at ng drag club na pinagtrabahuhan ni Billy na karakter ni Paolo.

Siya ang nagturo kay Billy, kaya pinagamit niya rito ang pangalan niya na Barbi. Siniguro ni Tito Joey na kumonek ‘yung mga nauna niyang Barbi flicks sa bago ni Paolo.

Ang wish niya ay masundan pa ito at magkaroon ng maraming sequels ang Barbi D’ Wonder Beki.

“Kailangan, makaapat ka!” dayalog niya kay Paolo.

Ang totoo ay natuwa si Tito Joey na naging bahagi siya ng project na ito dahil sobrang bilib siya sa galing ni Paolo, na malayo raw niyang pamangkin sa totoong buhay at kapareho niyang ipinanganak sa Year of the Dog.

Paolo Ballesteros & Joey de Leon/ ©allandiones.com

Nangarap maging Wonder Woman

May pressure kayang nararamdaman si Paolo bilang tagapagmana ng pinasikat na iconic gay role ng isang Joey de Leon at ngayon ay siya ang pinalad na maging Millennial Barbi?

“Pressure, kasi hindi ako makahinga. Ipit ‘yung bayag ko!” natatawang buwelta sa amin ng kwelang Eat Bulaga co-host.

Billy Bayagan ang pangalan ng role ni Pao sa Barbi D’ Wonder Beki.

“Nakakatuwa talaga dahil kinalakihan ko rin ‘yung Barbi na pelikula ni Tito Jo. Tapos, hindi ko naisip na gagawin ko rin ‘yung movie na talagang bata pa lang ako, pinapanood ko na,” pakli ng Makeup Transformation King.

Nu’ng time na ‘yon, nakita niya ba ang sarili niya kay Barbi habang pinapanood niya ang movie ni Tito Joey?

“Hindi ko nakita, pero enjoy na enjoy ako. Hindi ko alam kung bakit! Ha! Ha! Ha!”

Kloseta ang karakter niyang si Billy, na hindi makapag-out dahil sa pressure mula sa pamilya niyang puro pulis. Kaya nangangarap na lang siya na maging Wonder Woman.

May pagkakataon ba sa totoong buhay na naka-relate si Pao sa ganu’ng sitwasyon?

“Hindi naman nangangarap. Kasi, kamukha ngayon, nagagawa ko naman sa pamamagitan ng movies, ‘di ba?

“I guess, lahat naman tayo, nangarap din na maging Wonder Woman o Superman, ‘di ba?”

Ah, so nu’ng una, Superman ang pinangarap niya? Tapos, later on, naging Wonder Woman, ganern?

“Ay, hindi. Diretso na agad na Wonder Woman! Ay, nauna pala Dyesebel muna! Ha! Ha! Ha!” tawa ni Pao.

Ang totoo ay parang hindi pa rin daw makapaniwala si Paolo na dati ay nakakasama lang silang JoWaPao sa mga pelikula ni Bossing Vic Sotto, pero ngayon ay mag-isa na lang siya sa sarili niyang pelikula.

Inamin din ni Paolo na medyo may takot siya ngayon dahil si Tito Joey nga ang original Barbi.

Kaya wini-wish niya na tangkilikin ng mga manonood ang movie niya bilang pa-birthday na rin sa kanya bukas, November 29, na sakto sa mismong kaarawan niya.

The Millennial Barbi with the Original Barbi/ @pochoy_29 IG
Paolo as Disco Barbie/ @pochoy_29 IG

Mani-manika ang peg

Ayon kay Direk Tony Y. Reyes, nang gawin nila ni Tito Joey ang pinakaunang Barbi: Maid in the Philippines ay nangangapa pa sila pareho sa karakter ni Barbi.

Itong Barbi D’ Wonder Beki ni Paolo ay naging transition dahil tinulungan ni Bartolome si Billy. Nakaka-relate kasi ito dahil napagbintangan din siya noon.

Dagdag pa ni Direk Tony, maraming naging pambabaeng trabaho ang karakter dito ni Pao na si Billy. Naging stage perfomer, lumabas sa commercials, atbp., kaya marami itong transformations at iba-iba ang itsura nito throughout the movie.

Ang sabi ni Paolo, mas mahirap gawin si Barbi kesa sa award-winning role niya sa Die Beautiful na si Trisha Echeverria dahil mas iniba niya ang makeup niya rito, binago ang kilay at mas pinalaki ang mga mata niya para maiba ang kanyang look.

Sa Die Beautiful ay konting lipstick at brow lang, keri na.

Sa Barbi D’ Wonder Beki ay full makeup siya palagi bilang mani-manika ang peg niya rito as in Barbie doll!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *